QUEZON —Isang 48-anyos na sarhento ng Phil. Army na pinaniniwalaang nagtago ng limang taon dahil sa pagpaslang sa kanyang kabarong kawal ang sumuko sa mga awtoridad sa bayan ng Calauag, Quezon kamakalawa. Ang suspek na nakonsiyensya sa krimen na sumuko kay P/Chief Inpector Ernesto Ginauli, hepe ng pulisya sa bayang nabanggit ay nakilalang si ex-T/Sgt. Gregorio Lazarte ng Barangay Santa Maria, Tanay, Rizal. Batay sa salaysay ng suspek, limang taon na ngayon ang nakalipas nang patayin ni Lazarte ang kanyang kabarong sundalo na hindi tinukoy ang pangalan. Nagkaroon umano sila ng matinding samaan ng loob ng dahil lamang sa isang babaeng namamasukan sa videoke bar bilang guest relation officer (GRO). Simula noon ay nagtago na ang suspek sa iba’t ibang lugar subalit dahil nakonsensya ay sumuko na ito para harapin ang hustisya. Tony Sandoval
Financier ng ‘sugalan’ dinakma
KIDAPAWAN CITY — Nasakote ng pulisya ang pinaniniwalaang financier ng sugal na “last two digit” sa isinagawang operasyon sa Kidapawan City, North Cotabato noong Biyernes. Nanguna sa pag-aresto sa suspek na si Hospicio “Ton-Ton” Rivas III, si P/Insp. Ruby Labio, hepe ng anti-vice and intelligence division ng North Cotabato PNP. Napag-alamang naaktuhan si Rivas na tumatanggap ng pataya mula sa isa nilang agent na umaktong ‘bettor’ dakong alas-11:20 ng umaga noong Biyernes, sa loob ng tindahan nito sa may mega market ng Kidapawan City. Nabatid na ginagawang front ni Rivas ang pagbebenta niya ng diyaryo at mga magasin para maisulong ang sugalan. “Pero ang talagang trabaho niya ay mag-finance ng sugal na mahigpit na ipinagbabawal sa nabanggit na lungsod,” ayon sa pulisya. Nakuha mula kay Rivas ang cash na aabot sa P70,000 at ilang gamit sa pagsusugal. Malu Cadelina Manar
14-naisalba sa sex den
OLONGAPO CITY — Labing-apat na kababaihan ang iniulat na naisalba sa itinuturing na sex den makaraang salakayin ng mga tauhan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang videoke bar na pag-aari ng Koreano sa Barangay New Asinan, Olongapo City may ilang araw na ang nakalipas. Kinilala ni P/Supt. John Lopez, hepe ng CIDG, ang mga biktimang nasagip na sina Kimberly Madrigal, Jenalyn Morales, Judilyn Benedicto, Erin Domingo, Maylyn Vinarao, Marichelle dela Cruz, Carol Ann Pineda, Pauleen Mendoza, Lean Dagami, Mhean Castanos, Shiela Castro, Desiree Pacasit at si Mitch Morales. Kinasuhan naman ang may-ari ng Arirang KTV Bar na si Yu Mi Lee, 47, na walang maipakitang papeles na nagpapatunay na legal ang kanyang operasyon ng nasabing bar. Ang pagsalakay ay bunsod ng mga reklamo ng residente na ginagawang front ng prostitusyon ang nabanggit na karaoke bar. Jeff Tombado