CAMP CRAME – Nalasog ang katawan ng isang pulis habang malubha namang nasugatan ang apat pa nitong kasamahan ma karaang sumabog ang granada na inihagis ng isang rapist na tangkang arestuhin sa Purok 5, Sitio Bundok Tralala sa Barangay 9, Malaybalay City, Bukidnon kamakalawa.
Si PO2 Roy Francisco ay kinarit ni kamatayan sa Philips Hospital, samantalang ginagamot naman sa Bethel Baptist Hospital at Malaybalay Polymedic Hospital sina P/Inspector Crisanto Molina, SPO1 Melchor Hinio, PO3 Joseph Galupo at si PO3 Esmeraldo Cahilig.
Base sa ulat, ‘di pa sumisikat ang araw nang magtungo ang pangkat ng pulisya na bitbit ang warrant of arrest laban sa suspek na si Moises Brandia na may kasong rape.
Napag-alamang pinatuloy pa ng mga kasambahay ni Brandia ang anim na pulis subalit pagpasok sa salas ay agad na hinagisan ng granada sabay talon sa bintana ang suspek.
Umalingawngaw ang pagsabog na yumanig sa nabanggit na lugar na nagresulta sa pagkasawi ni PO2 Francisco habang lima pa ang nasugatan.
Nahaharap naman ngayon ng karagdagang kasong murder, grave threats, serious physical injuries at acts of lasciviousness ang suspek. (Joy Cantos )