Lumantad na kahapon sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Trento Mayor Irenea “Nene” Hitgano upang linawin na siya at ang kanyang asawang si dating mayor Escolastico “Eti” Hitgano Sr. ay biktima ng ‘black propaganda ng mga kalaban sa politika noong nakalipas na eleksyon.
Sa NBI Anti-Organized Crime Division, ipinaliwanag ng mag-asawang Hitgano ang mga hinaing laban sa kanila at nangakong maghahain sila ng pormal na affidavit sa Martes.
Hindi naman pinigil ng mga tauhan ng NBI ang mag-asawang Hitgano dahil wala pang sapat na ebidensya at hindi pa naman naisasampa ang pormal na kaso sa prosecutor’s office.
Sinabi pa ng mag-asawa na handa nilang harapin ang mga alegasyon ng self-confessed killer na si Elmo Numancia na napaulat na may mga kasong kriminal at naging bodyguard ni Rolando Abutay. Si Abutay ay kumandidato sa pagka-mayor noong May 14 elections sa bayan ng Trento subalit natalo ng misis ni “Eti” Hitgano na si “Nene” Hitgano.
Samantala, sampung bagong testigo naman ang lumutang at handang magbigay ng salaysay sa NBI laban sa dating mayor na si Esco lastico Hitgano Sr. na naunang isinangkot sa patayan sa nabanggit na bayan.
Kabilang sa mga napaulat na pinatay sa Trento, base na rin sa salaysay ni Numancia, ay sina Wenceslao “Islaw” Llames at Alejandro Fuentes Jr, alyas Jun Fuentes.
Base sa record na nakalap ng PSN mula sa provincial warden, si Fuentes na may mga kasong kriminal ay nakapiit ngayon sa Davao Penal Colony sa Panabo City matapos na pumuga at masakote sa Provincial Correctional Services sa Prosperidad, Agusan del Sur noong Pebrero 10, 1991.