Mag-asawang Hitgano ipapatawag ng NBI
Ipapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating alkalde ng Trento sa Agusan del Sur na si Escolastico “Eti” Hitgano Sr. at ang asawa nitong si incumbent Mayor Irinea “Nene” Hitgano para sagutin ang alegasyon ng self-confessed killer na si Elmo Numancia.
Ayon kay NBI Agent, Atty. Aristotle Adolfo, padadalhan ng subpoena ang mag-asawang Hitgano at ang iba pang indibiduwal na sangkot sa nabanggit na kaso sa darating na Huwebes upang sagutin ang mga alegasyon ni Numancia.
Una ng ibinunyag ni Numancia sa NBI-Anti Organizad Crime Division na isa siya sa mga hitmen ng dating alkalde na isinasangkot sa serye ng patayan sa nabanggit na lalawigan.
Sinabi ni Adolfo na “Kinakailangan na sagutin ng mag-asawang Hitgano ang alegasyon ni Numencia upang magkaroon ng pagkakataon na makapaglabas din ng ebidensiyang pabor sa kanila.
Gayon pa man, sinabi ni Adolfo na kinakailangan munang makakuha ng referral mula sa Department of Justice (DoJ) upang pormal na maihain ang kasong multiple murder at kidnapping sa mababang korte.
Samantala, nagbanta naman ang mag-asawang Hitgano na magsasampa ng kasong libelo laban sa mga tabloid na nagpalabas ng ulat na isinasangkot sila sa serye ng patayan sa nabanggit na bayan dahil sa paglutang ng self-confessed killer na si Numancia sa NBI. Pinabulaanan naman ng mag-asawa ang akusasyon ni Numancia. (Grace dela Cruz at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending