CAMP CRAME – Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Sibuyas kidnap-for-ransom gang ang napatay ng mga awtoridad habang nailigtas naman ang kinidnap na Indian national sa naganap na madugong shootout sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, kinilala ni PNP Chief Director General Oscar Calderon, ang dalawa sa mga napatay na suspek na sina Ex-Army Technical Sgt. Amban Buhoy ng Banlat Road, Tandang Sora, Quezon City at Troy Bello ng 1st Road, Bicutan, Taguig City.
Nakilala naman ang nailigtas na negosyanteng Indian national na si Gurmukh Singh, 41, hinarang at dinukot habang sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Fort Santiago St, sa Bago Bantay, Quezon City noong Linggo ng Agosto 19.
Ang biktima ay isinakay sa kulay pulang Mitsubishi Lancer na may plakang PTS 639 na sinundan naman ng isang kulay puting taxi (PNC177) kung saan humingi ng P 2-milyong ransom sa pamilya ni Singh.
Agad namang ini-report ng mga bystander sa pulisya ang insidente kaya inalarma ang buong National Capital Region Police Office sa behikulong pinagsakyan sa biktima na nasundan hanggang sa pinagkukutaan sa Block 4B, Phase 1 Kingsville Royal, Barangay Inarawan ng nabanggit na lungsod.
Base sa rekord ng pulisya, ang mga suspek ay sangkot sa pagdukot sa walong negosyante na karamihan ay mga Bumbay habang patuloy naman ang hot pursuit operations ng pulisya sa iba pang mga nakatakas na kidnaper.
Matapos na makipagbarilan at mapatay ng mga awtoridad ang mga kidnaper ay nasamsam ang tatlong malalakas na baril, 13-piraso ng cartridge at ang Mitsubishi Lancer na ginamit sa pagdukot sa biktima.