CAMP CRAME – Pinaniniwalaang mga kawatan ang responsable sa pagpatay sa isang punong-guro ng elementarya makaraang pagsasaksakin sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng San Fabian, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon. Nakilala ang biktima na si Luz Ferera, 50, punong-guro ng Gumot Elementary School sa nabanggit na bayan. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, natagpuan ang bangkay ng biktima ng kanyang mister na si Enrique dakong alas-5:30 ng hapon noong Biyernes sa loob ng kanilang bahay. Napag-alamang kapapasok pa lamang ng biktima sa sariling bahay mula sa tindahan nang marinig ng mga kapitbahay na sina Lolit Ringor at Jovita Sapitula na sumisigaw at humihingi ng saklolo ang una. Agad namang tinawag nina Ringor at Sapitula, ang asawa ng biktima, subalit huli na nang puntahan nito ang asawang nakabulagta na naliligo sa sariling dugo. Danilo Garcia
Jailbreak: 3 preso nakapuga
CAMP CRAME – Tatlong preso na may mga nakabinbing kasong kriminal ang iniulat na nakapuga mula sa Bayambang detention cell sa Pangasinan matapos na samantalahin ang masungit na panahong dulot ng bagyong “Egay”, kamakalawa. Kabilang sa mga tumakas na preso ay sina Milfred Solis na may kasong theft/robbery; John Rafael Nicasio (theft); at si Ramil Junio na may kaso namang homicide. Napag-alamang si Solis na dati ring pugante sa Bauang Rehabilition Center sa La Union, ang nagplano ring pumuga dakong alas-11:45 ng gabi. Base sa ulat, nilagare ng mga preso ang rehas ng bintanang bakal gamit ang ipinuslit na lagareng bakal habang walang kuryente ang buong pasilidad. Agad namang nadakip si Junio habang tugis naman sina Solis at Nicasio. Danilo Garcia
Tinedyer dedo sa sakuna
NUEVA ECIJA – Maagang kinarit ni kamatayan ang isang 13-anyos na hayskul student habang apat pa ang nasugatan makaraang mahagip ng sasakyan ang traysikel ng mga biktima sa Maharlika Highway sa Barangay Dinarayat, Talavera, Nueva Ecija noong Sabado ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya, ang nasawing si Herson Desiar, 1st year high school student ng Barangay San Pascual, Talavera. Ginagamot naman sa ospital sina Raymond Desiar, Josephine de Guzman, 17, ng Maligaya, Science City of Muñoz; Mary Ann Viernes, 17; at si Lilibeth Desiar, 17, kapatid ni Herson. Hindi naman nakilala ang drayber ng kotseng kulay itim (UKP-556) matapos na ihatid nito sa ospital ang mga biktimang sugatan. Kasalukuyang bineberipika sa local na Land Transportation Office ang may-ari ng kotse para panagutin sa naganap na sakuna. Christian Ryan Sta. Ana