‘Killer Mayor’ ipaaaresto ng DoJ
Nagdesisyon si Sec. Raul Gonzalez ng Department of Justice (DoJ) na ipaaresto at ibalik sa kulungan ang convicted ex-Mayor na si Escolastico Hitgano Sr. na nasa ilalim ng parole probation ng pamahalaan matapos na hatulan ng Sandiganbayan sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Si Hitgano Sr. ay una ng nasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na isinampa ng grupo ng Human Rights sa Sandiganbayan matapos na ipabuldozer nito ang mga kabahayan sa bayan ng Trento na pinaniniwalaang may intensyong makuha ang ilang lupain.
Sa record ng NBI, si ex-Mayor Escolastico Hitgano Sr. ay nasentensiyahan na makulong ng 6-12 taon subalit nakulong lamang ito ng dalawang buwan at dalawang linggo na ipinagtataka ni Sec. Gonzalez.
Nakatakda namang kasuhan ang mga tauhan ng pulisya partikular na sina PO2 Noel Espina at SPO2 Artemio “Bon Jovi” Jovita sa bayan ng Trento sa Agusan del Sur matapos na takutin at pagbantaan ang mga testigo sa serye ng patayan sa nabanggit na bayan na may kaugnayan sa politika.
Nabatid na una ng ipinatapon ni PNP Deputy Director General Avelino Razon si SPO2 Artemio “Bon Jovi” Jovita sa Dinagat Island, Surigao del Sur matapos na mapaulat na pinagtangkaan nitong patayin ang isa sa “pangunahing testigo ng political killing sa bayan ng Trento.
Sa sinumpaang salaysay sa NBI ng self-confessed killer na si Elmo Numancia, si SPO2 Jovita ay isa sa labing-apat na hitmen ni ex-Mayor Escolastico Hitgano Sr.
Samantala, pag-aaralan ng Department of Justice (DoJ) kung maaaring isailalim sa Witness Protection Pro gram (WPP) ang mga testigo laban kay dating Trento, Agusan del Sur Mayor Escolastico Hitgano Sr. at sa asawa nitong si incumbent Mayor Irinea “Nene” Hitgano.
Sina Linda Oliver at Michael Ayong, na napagkatiwalaan ni ex-Mayor Escolastico Hitgano Sr. ng “blue book” na listahan ng mga ipapapatay at napatay na kalaban sa politka ay kapwa pangunahing testigo.
Kasunod nito, ngayong araw (Lunes) ay pormal na isasampa ng NBI ang kasong multiple murder at kidnapping sa DOJ laban kay ex-Mayor Escolastico Hitgano Sr. matapos na makakuha ng konkretong ebidensiya laban sa mga ito.
- Latest
- Trending