CAMP AGUINALDO — Niratrat at napatay ng mga di-kilalang kalalakihan ang mag-utol na lalaki habang nasa kritikal namang kalagayan ang kanilang ina at katulong na babae sa panibagong karahasan na naganap sa bayan ng San Fernando, Cebu kamakalawa.
Napuruhan ng mga bala ng baril sina Crispin Llanto Jr., 34 at kapatid nitong si Emmanuel, 32; habang sumailalim sa masusing obserbasyon sina Evangeline, 69, ina ng mag-utol; at katulong na si Lolita Villaber, 47, na nasa South General Hospital sa bayan ng Naga.
Napag-alamang sina Evangeline at Villaber ay ikinokonsidera ng mga awtoridad na pangunahing testigo sa naganap na pamamaslang.
May teorya si P/Chief Insp. Antonieto Cuyos, hepe ng pulisya sa bayan ng San Fernando, na alitan sa lupa ang motibo ng pamamaslang sa mag-utol na naganap dakong alas-10:30 ng umaga sa harapan ng tahanan ng pamilya Llanto sa Barangay Sangat.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat na kabababa lamang ng mag-iina at ng kanilang katulong sa pampasaherong multicab nang sumulpot at magsimulang mamaril ang dalawang maskaradong kalalakihang sakay ng motorsiklo.
Bulagta agad ang apat habang narekober naman sa crime scene ang anim na basyo ng 9mm at limang basyo ng bala ng cal.45.
Lumilitaw pa sa pagsisiyasat na ang mag-iina ay dumalo sa paglilitis ng San Fernando Municipal Trial Court kaugnay ng kasong isinampa nina Agustine Dalo Jr., Teroy Enad at Andrei Racaza kaugnay sa ilegal na pamumutol ng punongkahoy sa lupain ng pamilya Llanto.