Preso sa Bauang tinorture
Isang ginang ang personal na dumulog kay Philippine National Police Chief Oscar Calderon upang humingi ng tulong sa inabot na pahirap ng kanyang asawa sa kamay ng ilang miyembro ng pulisya sa Bauang, La Union.
Sinabi ni Gng. Maria Criz Ordona at abogado nito na si Atty. Aristotle O. Valera, na hinihiling ng asawa niyang si Rogelio na mailipat ito sa ibang kulungan.
Ayon kay Mrs. Ordona, ang kanyang asawa ay ilegal umanong inaresto nuong Agosto 6, 2007 ng ilang tauhan ng pulisya ng Bauang.
Inakusahan niya ang mga sangkot na pulis ng brutality, torture at inhuman treatment dahil sa napansin niyang mga pasa at paso ng sigarilyo sa katawan ng kanyang asawa bukod sa hindi na ito makatayo at makalakad.
Sa kanyang liham sa Commission on Human Right, inilahad ni Ordona ang isinumbong sa kanya ni Rogelio na binugbog, pinahirapan at kinuryente at nilunod ito sa tubig ng mga pulis.
Labis ngayon kinatatakutan ni Mrs. Ordona na matapos na ilahad niya ang pangyayari sa media ang sinapit ng kanyang asawa ay nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.
- Latest
- Trending