Umaabot sa halos 400,000 katao ang naapektuhan matapos na lumubog sa baha ang may 20 bayan sa Pampanga dulot ng malalakas na pag-ulan simula pa nitong nakalipas na linggo hanggang sa pagbayo ng bagyong Egay.
Sa report ng National Disaster Coordinating Council, mula sa dating bilang na 325, 871 naapektuhan ng magkasunod na bagyong Chedeng at Dodong ay tumaas na sa 372,458 katao ang apektado ng bagyong Egay na patuloy na nagdudulot ng monsoon rains sa Luzon simula pa noong Miyerkules.
Kabilang sa lumubog sa baha ang Lubao, Arayat, Masantol, Apalit, San Luis, Mabalacat, Magalang, Floridablanca, Minalin, Mexico, Macabebe, Sasmuan, Candaba, Sta. Ana, Guagua, Bacolor, Sta. Rita, San Simon, Sto. Tomas at San Fernando City.
Ayon sa NDCC, may 1, 017 katao ang inilikas sa Mexico, Guagua at bayan ng Bacolor habang may 35 kabahayan rin ang tuluyang winasak ng kalamidad at 35 ang bahagyang napinsala.
Sa Albay, nasiraan ng makina ang isang barko na inooperate ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Rapu-Rapu kaya napilitan munang kumanlong sa Balabagon, Manito ng lalawigan. Nasa ligtas namang kalagayan ang lahat ng pasahero at mga tripulante nito.
Sa lalawigan ng Aparri, Cagayan, 70 pasahero ng isang maliit na sasakyang pandagat ang pansamantala munang humimpil sa Brgy. Mankaya bunga ng malakas na hangin at ulan na dala ni Egay. (Joy Cantos)