August 17, 2007 | 12:00am
CAMP AGUINALDO – Labing-isang sibilyan na pinaniniwalaang durugista ang naaktuhan sa pot session sa Barangay Pagsawitan, Sta.Cruz, Laguna kamakalawa ng hapon. Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng tanghali nang salakayin ng mga tauhan ng pulis-Sta Cruz at Pagsanjan ang bahay ni Jeffrey Garin kung saan naaktuhan ang mga suspek sa pot session. Kabilang sa mga suspek na pormal na kinasuhan ay sina Rolan de Roxas, Angelo Magsino, Jun Estilles, Michael Naceta, Ramil Ali Dondee Ramos, Meynard Callado, Jaime Arbo; Alvin Bautista, Charlie Aynere at ang may-ari ng bahay na si Garin. Nasamsam sa mga suspek ang anim na pirasong plastic sachet na naglalaman ng puting pulbura na pinaniniwalaang shabu. (Joy Cantos )
2 minero todas sa tunnel
CAMP AGUINALDO — Dalawang minero ng pribadong kumpanya ng minahan ang kumpirmadong nasawi matapos ma-trap sa malakas na agos ng tubig baha sa loob ng tunnel na sakop ng Sitio Gueday, Taneg, Mankayan, Benguet, kamakalawa. Kinilala ang mga namatay na sina Ambrosio Calado, 46 at Denver Caligyo, 21, ng Kayan, Tadian, Mt. Province. Iniuwi na ng kaniyang pamilya ang bangkay ni Calado habang ang mga labi naman ni Caligyo ay dinala sa Sitio Gueday Multi-Purpose Hall habang hinihintay pa itong kunin ng kaniyang pamilya. (Joy Cantos)
Jueteng sa Angeles patuloy
PAMPANGA — Patuloy pa rin ang operasyon ng jueteng sa Angeles City kahit mahigpit ang pagtutol ng Simbahang Katoliko at kampanya ni PNP chief Director General Oscar Calderon laban sa illegal na sugal. Sa halip na hulihin ng mga tauhan ni P/Supt. Sonny Cunanan, Angeles PNP chief, ang mga jueteng personnel at ipatigil ang jueteng operations ni Paris Tolentino na pinaniniwalaang kaalyado ni Mayor Francis “Blueboy” Nepomuceno, ay pilit na ginigipit ng pulisya ang Small Town Lottery bet collectors at supervisors gayung legal ito at pinapatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Dahil dito, kinasuhan ng mga STL bet collectors at cabos si P/Supt. Cunanan ng illegal arrest at abuse of authority sa Peoples Law Enforcement Board (PLEB) gayundin sa City Prosecutor’s Office habang sasampahan din ng kaso ng STL management ang ilang opisyal ng local na pamahalaan sa Office of the Ombudsman. “Gusto kasi nila yatang ipalit sa STL, ang jueteng operations kaya kaming legal na nagtatrabaho ang kanilang ginigipit pero hindi nila mapatigil ang jueteng,” pahayag ng isang STL bet collector. Nabatid na nagsimula ang jueteng operations na pinaniniwalaang may basbas din ni P/Chief Supt. Ismael Rafanan, region 3 PNP chief, nitong nakaraang Lunes kaya ginipit at inaresto ang mga tauhan ng STL na posibleng walang sagabal sa jueteng operations.