CAVITE – Binaril at napatay ang isang 31-anyos na kawani ng call center matapos na pumalag sa tatlong holdaper sa loob ng pampasaherong dyipni sa harapan ng tulay na sakop ng Barangay Zapote, Bacoor, Cavite kahapon ng madaling-araw. Naisugod pa sa Parañaque Community Hospital subalit hindi na umabot pa ng buhay si Terence Domingo ng #46 Pilar Avenue, Casimiro, Las Piñas City. Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Joel Malinao, sakay ng dyipni ang biktima at ilang pasahero nang magdeklara ng holdap ang tatlong armadong ’di-kilalang kalalakihan sa nabanggit na lugar. Napag-alamang tumangging ibigay ng biktima ang kanyang bag kaya pinaputukan siya ng isa sa tatlo saka tumakas ang mga holdaper. Kaagad naman rumesponde ang ilang pulis matapos na makahingi ng saklolo ang isang pasahero na si Jerry Palcoleda. Cristina Timbang