KIDAPAWAN CITY – Palalayain anumang araw mula ngayon ang sundalo na binihag ng mga rebeldeng New People’s Army noong Biyernes ng Agosto 10 sa Monkayo, Compostela Valley. Sa isang press statement na ipinalabas ng Alejandro Lanaja Command-Front 3 ng NPA-Southern Mindanao, ipinahayag ng kanilang spokesperson na si Aries Francisco na napatunayan ng kanilang grupo na walang dahilan para patawan ng parusang kamatayan si Pfc. Marjun Gatela ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army. Si Gatela ay binihag ng Alejandro Lanaja Command matapos ang madugong pananambang na ikinasawi ng tatlong militiamen noong August 10 sa may Sitio Kidapang, Barangay San Isidro sa bayan ng Monkayo, Compostela Valley. Ginawang prisoner-of-war (POW) ng NPA si Gatela at isinailalim sa Kangaroo court, subalit napatunayan na walang kasalanan sa masa at sa kilusan si Gatela. Ang pagpapalaya kay Gatela ay gagawin sa darating na linggo at hindi sa tropa ng 72nd Infantry Battalion kundi sa misis niya at sa kanyang mga anak, pahayag pa ni Francisco. Malu Cadelina Manar