CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng robbery holdup gang ang kumpirmadong napatay samantalang arestado naman ang dalawa pa matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Cavite police sa Barangay Putol sa bayan ng Kawit, Cavite kahapon ng tanghali.
Kabilang sa mga napatay ay sina Jonathan Asahar at Salvador Surabia, samantalang arestado naman sina Ronnel Castillo at Almar Celeste na kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogasyon ng CIDG sa National Capital Region.
Ang apat ay miyembro ng notoryus na “Abuyog” robbery holdup gang na nag-ooperate sa Cavite at kalapit lalawigan.
Ayon kay P/Senior Supt. Fidel Posadas, Cavite police director, nakaposte ang apat na sakay ng Mitsubishi Space Wagon (UFL-299) may ilang metro lamang ang layo sa MetroBank sa bayan ng Rosario.
Napag-alamang nagpaplanong holdapin ng grupo ang isang depositor nang makatunog na minomonitor sila ng mga tauhan ng CIDG.
Agad naman sumibat ng apat subalit hinabol sila ng mga awtoridad hanggang sa maganap ang madugong bakbakan sa kahabaan ng Centennial Highway sa Barangay Tuclong bandang alas-12:30 ng tanghali.
Bulagta agad si Asahar matapos na mapuruhan, samantalang namatay habang ginagamot sa ospital si Surabia at dalawa naman ang naaresto.
Nakarekober ng dalawang baril ang mula sa mga napatay na holdaper. Arnell Ozaeta, Cristina Timbang, Ed Amoroso at Joy Cantos