‘Killer mayor’ idiniin
Nalalagay sa balag ng alanganing ang dating alkalde ng bayan ng Trento, Agusan del Sur makaraang ikanta ng dating gunman ang mga pagpatay ng una sa mga kalaban sa politika may ilang taon na ang nakalipas maging noong nakalipas na eleksyon sa nabanggit na lalawigan.
Sa salaysay ng self-confessed killer na si Elmo “Boy” Numancia ng Purok 1, Salvacion, Trento, Agusan del Sur, sa opisina ng National Bureau of Investigation Anti-Organized Crime Division, isinangkot nito si dating Trento Mayor Escolastico Hitgano Sr. sa pagpatay kina Jun “Puga” Fuentes at Islaw Llames na dating alalay ni Agusan del Sur Rep. Jun Paredes.
Base sa sinumpaang salaysay ni Numancia, kasama ang abogadong si Atty. Aristotle Adolfo, lumitaw na pinatay niya si Fuentes sa utos ng nasabing alkalde dahil sa paniniwalang isang pugante at naging problema sa peace and order sa kanilang bayan.
Naging pabuya ni Numancia, ang halagang P5,000 at trabaho sa munisipyo matapos niyang iligpit si Fuentes na kanyang pinsan sa bahagi ng Barangay San Isidro.
Matapos ang halalan ay muling ipinatawag ng nasabing alkalde si Numencia para itumba naman ang mga sumuporta sa kalaban sa politika na si dating Mayor Francis Ong na sina Islaw Llames, Edmar Llames at Tony Saranza sa halagang P10,000.
Kabilang sa mga biktima na pinaniniwalaang ipinapatay ng nasabing alkalde ay sina Alex Apura, Antonio Saraza, Rommel Sarabia at ang tangkang pagpatay kay Bienvenido Baquipo noong Mayo 4, 2000.
Ayon kay Numancia, nanatiling tikom ang kanyang bibig sa mahabang panahon dahil wala siyang mapagkatiwalaang tao para sumuko at kailan lang siya lumantad sa NBI sa tulong ng isang napagkatiwalaang mamamahayag dahil plano na siyang ipapatay ng nasabing alkalde.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi naman nakontak ang nasabing alkalde para maibigay naman ang kanyang panig.
- Latest
- Trending