Palpak na seguridad sinisi

Jolo, Sulu – Pumalpak na pagpapatupad ng   segu­ridad ang itinuturong naging pagkukulang ng tropa ng militar kaya nalagasan ng malaking bilang ang mga sundalo sa nangyaring ma­dugong pananambang sa lalawigang ito na ikinasawi ng 26 sundalo habang 17 na­man ang nasugatan ka­ma­kailan.

Ito ang kapwa inamin kahapon nina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Hermogenes Espe­ron Jr. at Army Chief Lt. Gen. Romeo Tolentino ma­tapos bisitahin kasama sina Defense Secretary Gilbert Teodoro at iba pang mga opisyal ng militar ang tropa ng 104th Brigade ng Philippine Army sa Busbus, Jolo ng naturang probinsya.

Sa panig naman ni To­lentino, sinabi nito na dapat ay may route security patrol ang tropa ng reinforcement forces ng Army’s 33rd Infantry Battalion bago ang mga ito lumarga sa pursuit operations laban sa nagsanib pu­wersang mga bandidong Abu Sayyaf at Moro National Liberation Front breakaway group para naiwasan sana ang pagkalagas ng mara­ming sundalo.

Sa nasabing insidente ay 25 sundalo ang nasawi at marami ang nasugatan sa dalawang magkakahiwalay na insidente ng pananam­bang sa Indanan at Patikul, Sulu noong Agosto 9 sa­mantalang noong Agosto 7 ay naunang naitala ang pagkamatay sa bakbakan ng isang sundalo.

Base sa tala ng militar, aabot naman sa 31 Abu Sayyaf ang napatay at 25 ang sugatan sa apat na insidente ng engkuwentro sa loob ng tatlong araw. Joy Cantos

Show comments