PAMPANGA — Umaabot sa 113-barangay sa sampung bayan at isang lungsod sa Pampanga ang kasalukuyang lubog sa tubig baha dahil sa patuloy na buhos ng ulan sa Gitnang Luzon dulot ng dalawang bagyong Chedeng at Dodong. Sa ulat ng Provincial Disaster Coordinating Council, kabilang sa naapektuhan ay ang 18 barangay sa bayan ng Lubao, 24 barangay sa Masantol, Apalit (8), San Luis (2), Minalin (8), Mexico (11), Macabebe (25), Sasmuan (7), Candaba (14), Sta. Ana (9) at sa City of San Fernando (7). Sang-ayon kay Luchie Gutierrez, executive officer ng PDCC, umaabot naman sa 21,355 pamilya (99,830-katao) ang naapektuhan sa biglang pagbaha sa nasabing mga barangay.
Noong Miyerkules ng gabi, nakiisa sa rescue operations si Gov. Ed Panlilio sa mga pamilya sa Barangay Calampeti sa bayan ng Apalit.Kahapon ng umaga, nagsagawa din ng ocular inspections si Panlilio sa mga barangay na naapektuhan ng pagbaha. Samantala, iniulat ng Regional Department of Social Welfare na dalawa-katao ang namatay matapos na makuryente sa bayan ng San Miguel, Bulacan. Kinilala ni Minda Bigorli, DSWD-3 director, ang mga biktima na sina Rotacio Valones, 76, ng Barangay Camias at Allan Tantoco, 33, ng Barangay Sacdalan. (Ric Sapnu/Resty Salvador)