BATAAN – Aabot sa 5,250 pamilya mula sa tatlumput limang barangay sa dalawang bayan sa Bataan ang naapektuhan ng tubig baha dulot ng bagyong Chedeng at Dodong kamakalawa.
Sa ulat ni Jane Aguilar ng Office of the Mayor, aabot sa 20 barangay sa bayan ng Dinalupihan ang naapektuhan hanggang sa kasalukuyan kabilang na ang mga Barangay Layac, Sta. Isabel, Luacan, Pentor at ang Barangay Daan Bago. Samantala, lumikas na rin ang mga residente ng Barangay Almacin kung saan umabot sa 8-talampakan ang lalim ng tubig baha, maging sa Barangay Culo (7 talampakan), Barangay A. Rivera, Saba at Balsic (4 talampakan). Binaha rin ang mga Barangay Daungan, Cataning, Mabuco, Mandama GRS, Burgos, San Pedro, Sto. Cristo at Barangay Pulo.
Nasalanta naman ang may 78 ektaryang tanim na saging sa bayan ng Bagac. Kasalukuyang namimigay ng relief goods ang Provincial Disaster Coordinating Council sa pangunguna ni Bataan Governor Enrique Garcia Jr. sa mga bayan ng Dinalupihan at Hermosa katulong sina Mayor Joel Payumo at Hermosa Mayor Efren Cruz. (Jonie Capalaran)