9 kawal tumba sa ambus
CAMP AGUINALDO — Siyam na kawal ng Philippine Army ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf sa kagubatang sakop ng Brgy. Dayuan, Indanan, Sulu kahapon ng umaga.
Gayunman, pansamantalang hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan sa mga nasawing kawal dahil kailangan muna nilang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Napag-alamang lulan ng truck ang mga kawal ng Army’s 33rd Infantry Battalion patungo sa kanilang administrative assignment sa bayan ng Maimbung nang ratratin ng mga bandido dakong alas-7:45 ng umaga, ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr.
“It was a brief ambush. The troops were not even on patrol, they were on administrative assignment, moving logistics, moving people,” dagdag pa ni Torres.
Ang pag-atake ng mga bandidong Abu Sayyaf ay naganap sa gitna na rin ng pag-alerto ng liderato ng AFP sa lahat ng tropa ng militar sa rehiyon ng Mindanao kaugnay ng posibleng spillover sa inilunsad na punitive operations sa Basilan upang maaresto ang mga berdugong Muslim extremist na sangkot sa pamumugot laban sa 10 kawal ng Philippine Marines sa bayan ng Albarka, Basilan noong Martes ng Hulyo 10.
Noong Miyerkules ay nakasagupa ng mga tauhan ng Task Force Comet, ang mga bandidong Abu Sayyaf sa Barangay Lanao Dakula, Parang, Sulu na ikinasawi ng tatlong bandido at isang kawal habang pito pa sa tropa ng gobyerno ang nasugatan. Sa kasalukuyan ay patuloy naman ang operasyon ng tropa ng militar laban sa mga lider ng bandido na sina Abu Sayyaf Commanders Jul Asbi, Albader Parad at Umbra Jumdail alyas Dr. Abu Pula. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending