CABANATUAN CITY, Nueva Ecija — Pinaniniwalaang mareresolba ng pulisya ang pamamaslang sa bagong halal na alkalde at bise alkalde sa bayan ng Lupao sa loob ng sabungan noong Hunyo 15, makaraang masakote ang isa sa pitong pangunahing suspek sa bayan ng Pulilan, Bulacan.
Iprinisinta sa mga mamamahayag ni P/Senior Supt. Agripino Javier, Nueva Ecija police director, ang suspek na si Maximo dela Rosa na tubong San Antonio, Nueva Ecija. Sa record ng pulisya, walang anumang kasong kriminal ang suspek at pinaniniwalaang ginamit lamang para patayin sina Mayor-elect Alfredo “Patty” Vendivil Sr. at Vice Mayor-elect Virgilio “Boyet” Vendivil Sr.
Inamin ng suspek sa pulisya na binayaran siya ng P30,000 ng isang alyas “Douglas,” na lider ng grupo para patayin ang dalawang opisyal.
Kinilala ng pulisya ang dalawa pa sa pitong suspek na sina Arvin Yasay at Abraham Esteban na kapwa taga-San Jose City at 4 na iba pa na inaalam sa kasalukuyan ang mga pangalan. (Christian Ryan Sta. Ana)