KIDAPAWAN CITY — Aabot sa 60 motorsiklo at traysikel na pinaniniwalaang kinarnap ang nakumpiska ng mga tauhan ng North Cotabato PNP, Anti-Terror Cotabato Rapid Response Group at ng Land Transportation Office sa isinagawang Oplan Bitag Sasakyan‚ sa kahabaan ng highway na sakop ng Pikit, North Cotabato, noong Biyernes.
Sa ulat ni P/Insp. Joyce Birrey, spokesman ng North Cotabato PNP, karamihan sa mga sasakyan na na-impound ay binago ang mga numero ng makina at chassis.
Ito ang ikalawang “Oplan Bitag Sasakyan”‚ na isinagawa ng mga pulisya sa kahabaan ng highway ng North Cotabato simula noong Hulyo 2007.
Gayon pa man, aabot naman sa 78 sasakyang undocumented at binago ang numero ng makina ang nakumpiska ng mga operatiba ng North Cotabato PNP at ng CRRG sa mga bayan ng Carmen at Kabacan sa North Cotabato.
Kasalukuyang naka-impound ang mga nakumpiskang sasakyan sa headquarters ng 1201st Mobile Group ng North Cotabato PNP.
Nabatid na ang Barangay Raja Muda, dating kampo ng Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Pikit, ay sinasabing taguan ngayon ng mga karnap na motorsiklo at traysikel sa North Cotabato, ayon na rin sa isang mataas na opisyal ng North Cotabato PNP. Malu Cadelina Manar