BULACAN — Isang 9-anyos na bata ang ni-rape ng sariling ama sa kanilang bahay sa Malolos City, Bulacan, ayon sa ulat kahapon.
Nadiskubre ang krimen matapos na mapansin ng tiyahin habang pinaliliguan ang biktimang itinago sa pangalang Ella na namamaga ang maselang bahagi nito.
Noong una ay umiiyak pa sa takot ang biktima matapos ipagtapat sa tiyahin ang sinapit sa kamay ng suspek na si Ernesto “Ireneo” Periera, 47.
Sa salaysay ng bata, sinabi nito na dalawang beses na siyang ginahasa ng sariling ama na ang unang pangyayari ay noong Hulyo kung saan ay binantaan siyang papatayin kapag ipinagbigay-alam sa kinauukulan ang krimen.
Dahil dito ay napilitang dumulog sa pulisya ang tiyahin ng biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa suspect na ngayo’y nakakulong na sa himpilan ng pulisya sa nasabing bayan.
Sa alibi ng suspek, sinabi nito na maaaring nagalit lamang sa kanya ang sariling anak dahil palagi niya itong pinagagalitan kaya siya ang pinagbibintangang gumahasa dito na maaaring sulsol ng mga kasambahay.
Nabatid na ang biktima at mga kapatid nito ay nasa pangangalaga ng kanilang ama matapos silang iwan ng kanilang ina na nagpunta sa Mindanao dahil sa madalas na pambubugbog ng suspek.
Lumitaw sa pagsusuri ng mga doctor na apat na buwan na lamang ang itatagal ang buhay ng biktima dahil nasa 4th stage na ang leukemia na taglay nito.
Kasalukuyan nang sumasailalim sa counseling ang biktima sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.