CAMP AGUINALDO — Dalawang lider militante na napaulat na kinidnap ng mga armadong kalalakihan ang pinaniniwalaang sumapi na sa kilusan ng mga rebeldeng New People’s Army sa Western Visayas Region, ayon sa ulat kahapon. Batay sa pinakahuling intelligence report na nakalap ng pulisya sa tulong ng militar, kinilala ang dalawang aktibistang lider na sina Luisa Posa Dominado at Nilo Arado. Napag-alamang sina Dominado at Arado ay namonitor ang presensya sa kabundukan ng Antique at Iloilo. Sa ulat ni P/Senior Supt. Melvin Mongcal, Iloilo police director, nakatanggap sila ng impormasyon na hindi kinidnap ang dalawa bagkus kusang loob na sumanib sa NPA. Gayon pa man, patuloy na bineberipika ng kanilang intelligence personnel ang nasabing ulat. Matatandaang sina Dominado at Arado ay napaulat na nawawala ilang araw bago ang 2007 elections sa bayan ng Oton matapos na dumalo sa pagpupulong ng mga progresibong militanteng grupo sa Antique. Samantala, agad namang itinuro ng militanteng grupo na ang tropa ng militar ang nasa likod ng pagdukot sa dalawang lider militante. (Joy Cantos )
Paslit dedo, 4 grabe sa sakuna
INFANTA, Quezon – Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang batang babae habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang motorsiklo at traysikel sa highway na sakop ng Barangay Abiawin, Infanta, Quezon kamakalawa ng tanghali. Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang nasawing si Athel Ann Morilla, 4; habang ginagamot naman sa Laguna Provincial Hospital sina Aniano Balil, 47; Analyn Morilla, 35; John Fontillas, 40, kapwa residente ng Barangay Dinahican at ang drayber ng motorsiklo na si Richard Pradillada, 25, ng Barangay Ingas. Ayon kay PO3 Florencio Sarmiento, officer on case, nag-overtake sa isang sasakyan ang motorsiklo ni Pradillada, subalit hindi na nakaiwas sa kasalubong na traysikel na lulan ang nasawing biktima kaya naganap ang insidente. (Tony Sandoval )