CAMP AGUINALDO – Tatlo-katao ang iniulat na nasugatan habang maraming kabahayan naman ang winasak matapos na magsulputan ang buhawi sa lalawigan ng Nueva Ecija at Pampanga, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na tinanggap kahapon ng National Disaster Coordinating Council, nanalasa ang buhawi sa Barangay San Miguel sa Quezon at sa Barangay Mambaraoa sa bayan naman ng Sto. Domingo sa Nueva Ecija.
Nanalasa rin ang buhawi sa mga Barangay Tinejero, Talang at Dalayab sa bayan naman ng Candaba, Pampanga na ikinasugat ng dalawa-katao at isang bata habang 12-pamilya naman ang nawasak ang tahanan.
Sinundan pa ng malalakas na pag-ulan at hangin kung saan maraming kabahayan ang nawasak habang nabuwal naman ang maraming poste ng kuryente na nagdulot ng malawakang blackout sa mga apektadong lugar.
Kinilala ang nasugatan na si Jon-jon Bitardo na tinamaan ng isang bahagi ng nawasak na bahay; Beng Chu, stay-in worker sa duck farm at isang tinukoy sa alyas Erwin, 12.
Magugunita na nanalasa rin ang buhawi sa Bulacan kamakalawa kung saan aabot sa P3 milyon ang napinsala sa insidente. (Joy Cantos/ Angie Dela Cruz)