LEGAZPI CITY — Umabot sa lungsod ng Legazpi ang ibinugang makapal na abo ng Mt. Bulusan makaraang dumagundong at sumabog kahapon ng umaga.
Naitala ng Philippine Volcanology and Seismology (Philvocs), ang pagsabog dakong alas-9:37 ng umaga matapos ang pagyanig at malakas na dagundong na tumagal ng 20-minuto.
Nabatid na aabot sa limang kilometrong taas ang ibinugang abo ng nasabing bulkan kung saan napadpad sa direksyon ng timog-kanluran at hilagang-kanluran.
Kabilang sa mga apektadong barangay ng ashfall ay ang mga Barangay Cogon, Gulang-Gulang, Bolos, Monbon at ang Barangay Gabao sa Irosin, maging ang mga Barangay Puting Sapa, Sangkayon at Barangay Buraburan sa Bayan ng Juban sa Sorsogon.
Nasa alert level no. 1 pa rin ang Mt. Bulusan na pinaniniwalaang aabot sa 20 ulit na sumabog noong nakalipas ng taon at patuloy na nagpapakita ng abnormalidad kung saan nagkakaroon ng maliliit ng pagyayanig sa paligid ng nasabing bulkan.
Binalaan naman ng Philvocs, ang mga residente na nakatira sa paligid ng bulkan na pansamantalang huwag pumasok sa loob ng 4-Kilometer radius permanent danger zone dahil sa mapanganib na steam/ash explosion.
Sa kasalukuyan ay nakahanda ang Provincial Disaster and Coordinating Council para ilikas ang mga residenteng apektado sakaling manalasa ang nagbabagang lava. Ed Casulla at Angie Dela Cruz