LA UNION — Umaabot na sa 86,000 ektaryang palayan ang unti-unting natutuyo at hindi na mapakinabangan ng mga magsasaka dahil sa kawalan ng tubig-ulan, ayon sa ulat ng Department of Agriculture.
Ayon kay Region 1 Rice Coordinator Edmund Quinit, kabilang sa mga lalawigang apektado ng matinding tagtuyot ay ang Pangasinan na may 467,000 ektaryang bukirin, ang La Union (26,000), Ilocos Sur (11,454) at ang Ilocos Norte na may 1,060 ektarya.
Inabisuhan naman ni Armado Doqui, regional director ng Department of Agriculture, ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Region 1 na isailalim na sa state of calamity ang kani-kanilang lalawigan upang magamit ang limang porsiyentong pondong pambili ng pump wells para sa irigasyon at mga buto na gagamitin sa pagtatanim ng palay.
Patuloy naman ang cloud seeding operation ng Phil. Air Force sa mga lala wigang apektado ng tagtuyot hanggang Agosto, ayon sa ulat ng Bureau of Soil and Water.
Samantala, aabot naman sa 516 ektaryang palaisdaan sa Pangasinan ang namimiligrong matuyo dahil sa kawalan ng ulan.
Kapag nagpatuloy ang pananalasa ng tagtuyot maapektuhan ang 707 ektaryang palaisdaan sa Ilocos region maging ang Pangasinan na may 516 ektaryang palaisdaan, ayon kay Nestor Domenden, regional director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.