SAN CARLOS CITY, Pangasinan — Pinaniniwalaang hinoldap muna bago pinaslang ang isang pulis sa loob ng kanyang van na nakaparada sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Legazpi, San Manuel, Tarlac kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Johnny Bacbac, city police chief, ang biktima na si SPO3 Gerardo Macaraeg, 49, ng Barangay Ilang at nakatalaga sa war rant section ng San Carlos City PNP.
Napag-alamang si Macaraeg na may negosyong buy-and-sell ng mga sasakyan ay lulan ng kanyang puting Starex van (WFW-693) patungo sa Metro Manila para bumili ng panibagong van.
Base sa text message ng biktima sa kanyang kaanak, kasama ang tatlong kalalakihan mula Dagupan City para samahan siya sa pagbili ng sasakyan sa Maynila.
Subalit, si Macaraeg ay natagpuang patay sa loob ng kanyang van bandang alas-8:30 ng umaga matapos na mamataan ng ilang residente ang nasabing sasakyan na kaniha-hinalang nakaparada sa nasabing lugar.
Ayon sa mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives, ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa taynga at kanang dibdib. Narekober sa loob ng van ang clutch bag ng biktima na nawawala ang P.5 milyon na pinaniniwalaang pambili ng sasakyan at nagkalat na kopya ng warrant of arrest.
Isa sa kasamang lalaki ng biktima ay kilala na ng pulisya base na rin sa text message na ipinadala sa kanyang kaanak at kasalukuyang tinutugis para mapagbigay linaw sa krimen.
Ayon kay Bacbac, posibleng may kinalaman sa krimen ang tatlong kalalakihan na kasama ng biktima.