TV exec bumubuti ang lagay

Bumubuti na ang kondisyon ng inambus at nasugatang Regional GMA-7 network Bacolod Station Manager  na naka-confine sa isang ospital sa Bacolod City sa Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktimang si Ferdinand ‘Bambi “ Yngzon ay patuloy na ginagamot sa Riverside Medical Center sa lungsod  sa tinamong mga tama ng bala sa tiyan at dibdib.

Sa ulat ng Bacolod City Police, kukunan nila ng testi­monya si Yngzon upang mapagtibay ang kasong frustrated murder  laban sa naarestong suspect na si Romeo Corbo.

Nabatid na si Corbo, isang deputized agent ng Land Transportation Office na nakabase sa siyudad ay isinailalim sa kustodya ng pulisya matapos itong maaresto habang tumatakas  pagkaraang pagbabarilin ng shotgun ang biktima sa palengke ng Sagay City, Negros Occidental noong Miyerkules. (Joy Cantos)

Show comments