D’day sa Basilan aarangkada
Sisimulan na ng Armed Forces of the Philippines ang D’day o ang punitive operations sa Martes, Hulyo 31, laban sa mga rebeldeng Muslim na sangkot sa pamumugot ng ulo sa 10 sa 14 miyembro ng Philippine Marines na napatay sa engkuwentro sa Basilan noong Hulyo 10.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr., sa Martes ay sisimulan na ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa mga berdugo kasabay ng ilulunsad na punitive operations.
Ang pahayag ay ginawa ni Esperon matapos naman ang isang closed door meeting ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga opisyal ng militar sa Zamboanga City kaugnay ng isasagawang hakbang ng tropa ng pamahalaan.
Ipinag-utos ni Pangulong Arroyo sa militar ang emergency procurement ng mga armas at bala na gagamitin sa punitive operations sa Basilan.
Kaugnay nito, binuo na ng AFP ang Task Force Thunder para sa ikinasang opensiba laban sa mga miyembro ng ektremistang Muslim na sangkot sa insidente. Bubuuin ito ng apat na batalyon ng Marines, isang batalyon ng Army at mga CAFGU o kabuuang mahigit sa 5,000 sundalo na tutugis sa grupo ng Muslim pugot rebels.
Tutulong rin sa ope rasyon ang Philippine National Police na nasa Basilan upang matiyak na mapapatawan ng parusa ang mga berdugong Muslim rebels. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending