Kinarit na ni kamatayan kahapon ng umaga ang isang huwes na tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Bayawan City, Negros Oriental noong Miyerkules.
Batay sa ulat ng Police Regional Office-7, ang biktimang si Judge Orlando Velasco, 57, ng Bayawan City Regional Trial Court ay namatay dakong alas-6:00 ng umaga sa Siliman University Medical Center sa Dumaguete City.
Noong una ay napaulat na nakakarekober na si Velasco makaraang operahan subali’t dahil sa malubhang tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan ay nabigo ang mga doktor na sagipin ang buhay ng hukom.
Sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan sa mga suspek matapos na pawalan ang dalawang naunang inaresto dahilan sa kawalan ng matibay na ebidensya at negatibo ang mga ito sa paraffin test.
Ang biktima ay pinagbabaril noong Miyerkules dakong alas-7:20 ng gabi habang kasama ang kanyang misis galing sa isang birthday party sa naganap na insidente sa harapan ng kanyang tahanan sa Villareal, Bayawan City ng nasabing lalawigan ng dalawang armadong lalaki na lulan ng motorsiklo.
Pinaniniwalaan namang ang krimen ay may kinalaman sa trabaho ng biktima dahil may senentensyahan itong dalawang drug dealer ng habambuhay na pagkabilanggo kamakailan lamang.