LEGAZPI CITY – Dalawa-katao ang iniulat na napatay sa naganap na holdapan sa maliit na tindahan sa Sitio Tobgon sa Barangay Batang, Ligao City, kamakalawa ng hapon. Kinilala ang mga nasawi na sina Arnolfo Azores, 41, ng Barangay Herrera at Jessy Aaron, 26, ng Barangay Inamnan Grande, Guinobatan, Albay, habang nasa kritikal namang kalagayan si Jeffrey Conda na ngayon ay nasa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital. Ayon kay P/Senior Supt. Herold Ubalde, police provincial director, hinoldap ng tatlong kalalakihan ang tindahan ni Cristina Conda, subalit pumalag at nakipag-agawan ng baril ang anak nitong si Jeffrey kaya naputukan at namatay ang nagdaraang si Azores at maging ang isa sa pinaniniwalaang holdaper na si Jessy Aaron. Natangayan ng celfone, mga alahas at di-nabatid na halaga ang mag-inang Conda kung saan tumakas ang mga holdaper patungo sa direksyon ng Barangay Muladbucad Grande. Ed Casulla
20 mag-aaral nalason
CAMP CRAME — Dalawampung mag-aaral mula sa Batasan Elementary School ang naospital matapos makakain ng bunga ng halaman na sangkap sa paggawa ng biodiesel sa Tubigon, Bohol kamakalawa. Kasalukuyang naka-confine sa Tubigon Community Hospital ang mga biktimang kumain ng bungang tuba-tuba na kanilang pinitas malapit sa nasabing eskuwelahan at inakalang isang uri ng prutas na maaaring kainin. Isang tinukoy sa pangalang Jerick Edel na kabilang sa mga biktima ang unang kumain ng bunga ng tuba-tuba na lasang mani kung saan ay hinikayat nito ang iba pang mga bata na kumain ng nakalalasong jatropha. IIang oras matapos makain ang bunga ng tuba-tuba ay dumaing ng matinding pagkahilo, pagsusuka at namimilipit sa matinding sakit ng tiyan ang mga bata kaya agad na isinugod ng kanilang mga magulang sa nasabing ospital. Nabatid na ang jatropha ay nakalalason sa tao at hayop sa sandaling malulon ito na posibleng ikamatay ng mga biktima. Joy Cantos
Paslit ni-rape slay ng 12-anyos
PAMPANGA — Isang menor-de-edad na babae ang pinatay matapos itong halayin ng isang 12-anyos na lalaki sa inabandonang bahay sa Barangay Siran, Guagua, Pampanga, noong Miyerkules. Sa ulat ni P/Chief Insp. Wilson Santos, hepe ng pulisya sa bayan ng Guagua, ang biktimang itinago sa pangalang Arlene, 5, ay natagpuan ng sariling ama at kaagad na dinala sa Diosdado Macapagal Memorial Hospital bago inilipat sa Jose B. Lingad Memorial Hospital kung saan namatay. Natagpuan ng pulisya ang damit na may dugo at bato na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa krimen. Napag-alamang naglalaro lamang ang dalawa sa nasabing abandonadong bahay bago maganap ang brutal na krimen. Inamin ng suspek ang krimen, subalit nang ito’y dalhin na presinto ay biglang sinabi nito na nadulas lamang ang biktima habang sila’y naglalaro. Kasalukuyang nasa pag-iingat ng Municipal Social Welfare and Development ang suspek dahil sa pagiging menor-de-edad. Ric Sapnu