CAMP CRAME — Pinaniniwalaang personal vendetta ang isa sa motibo kaya tinambangan at malubhang nasugatan ang isang judge ng dalawang armadong lalaking sakay ng motorsiklo sa Barangay Villareal sa Bayawan City, Negros Oriental kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nasa Siliman University Medical Center sa Dumaguete City ang biktimang si Judge Orlando Velasco ng Bayawan City Regional Trial Court matapos magtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ang katawan.
Sa ulat ng police regional office, papasok pa lamang ng kanyang bahay si Judge Velasco dakong alas-7:40 ng gabi nang lapitan at pagbabarilin ng dalawang kalalakihan.
Dahil sa alingawngaw ng mga putok ng baril ay na ging mabilis ang pagresponde ng mga pulis-Bayawan City na isinugod sa ospital ang biktima habang ang iba pang pulisya ay hinabol ang tumatakas na dalawang suspect na agad namang nasakote.
Sumasailalim na matinding tactical interrogation ang dalawang suspek na pansamantalang hindi ibinigay ng pulisya ang pagkikilanlan.
Bunga ng pagtatangka sa buhay ni Judge Velasco ay nagtalaga naman ang Dumaguete City police ng security escort sa ospital.
Sa kasalukuyan ay paghihiganti ang anggulong sinisilip ng mga awtoridad sa tangkang pagliligpit kay Judge Velasco matapos mapag-alamang may hinatulan ito ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong drug pushing.