BULACAN – Apat-katao ang iniulat na nasawi sa naganap na magkahiwalay na sakuna sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kung saan bumangga ang traysikel at motorsiklo sa dalawang 10-wheeler truck kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Ronald De Jesus, ang mga biktimang sina Mario Gonzales, 27, ng Masagana Homes, Phase 3, Brgy. Tabang; Reynaldo Manangan, Ajerico Medio na kapwa kawani ng Flavor Foods Corporation at si Ronino Dimagiba, 24, ng Brgy. Panginay, Balagtas, Bulacan.
Kasalukuyang bumabagtas sa Cagayan Valley Road sa Brgy. Sta. Cruz ang traysikel (KN-6255) ni Mario Gonzales sakay ang apat pang kalalakihan nang kainin nito ang kasalubong na linya at sumalpok sa 10-wheeler truck (WLZ-945) ni Allan Figueroa, 27.
Agad na nasawi sina Gonzalez, Manangan at Medio, samantalang nakaligtas naman sina Jessie Gamos at Nelson Cruz.
Samantala, isa pang aksidente ang naganap sa MacArthur Highway na sakop ng Barangay Tuktukan kung saan isang motorsiklo ang su malpok sa isang 10-wheeler truck.
Ayon sa pulisya, iminamaniobra ni Larry Cailipan, ang 10-wheeler truck na may plakang RDH-736 nang bumangga sa likuran ng truck ang motosiklo ni Dimagiba na ikinasawi nito.
Nakaligtas naman ang kaangkas ni Dimagiba na si Randy Silungan ng Brgy. Pulong Gubat, Guiguinto. Dino Balabo/Ric Sapnu