LEGAZPI CITY — Nagmamakaawa sa mga doctor ang isang mister na maibalik ang kanyang titi na pinutol ng sariling misis sa pamamagitan ng matalim na labaha habang ito ay natutulog sa kanilang bahay sa Sitio Mapaco, Barangay Palanas sa bayan ng Guinobatan, Albay kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nasa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang biktimang itinago sa pangalang Aladin, 21, samantala, ang misis na itinago sa pangalang Cristine, 32, ay hindi nabatid kung sumuko sa pulisya o nagtatago.
Ayon sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-8:30 ng gabi habang ang biktima na lango sa alak ay natutulog sa loob ng kanilang bahay matapos makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.
Napag-alamang bago naganap ang insidente, nakasagap ng tsismis ang misis kaugnay sa ginagawa ng kanyang mister na may ibang babaeng kinakasama.
Kinompronta ni misis ang sariling asawa matapos itong umuwi na senglot, subalit itinanggi nito ang nasagap na malisyosong balita sa kanilang barangay.
Dahil sa kalasingan ay nakatulog sa sala ng kanilang bahay kaya sa galit ni misis ay kumuha ng matalim na labaha at sinamantala ang kahimbingan ng kanyang mister saka nilabaha ang tulog ding titi ng lalaki.
Matapos ang ginawang pamumutol ni misis ay nagtungo pa ito sa bahay ng kanyang biyenan at ipinagbigay-alam sa biyenan na pinutol nito ang titi ng kanyang anak.
Kaagad namang nagtungo ang ama sa tahahan ng mag-asawa at isinugod ang mister sa naturang pagamutan kung saan ibinalot sa lampin ang pinutol na duguang titi.
Ang mag-asawa ay may dalawang anak na kapwa babae na menor-de-edad.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa misis ng biktima.