CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tatlo-katao kabilang na ang isang pulis ang inaresto ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group makaraang ireklamo ng isang negosyante sa kasong robbery sa Calamba City, Laguna noong Sabado ng tanghali.
Kinilala ni P/Supt. James Brillantes, hepe ng RSOG-Region 4A, ang mga suspek na sina PO3 Hector Barugal, nakatalaga sa Regional Headquarters Service Support Group; Melchor Hernandez at si Jerry Superada.
Nagbunsod ang pag-aresto sa tatlo nang ireklamo ng negosyanteng si Marilyn Espinosa na nagnakaw ng kanyang computer video game machine sa kanyang shop sa Barangay Real bandang alas-12:30 ng madaling-araw.
Naaktuhan naman ang mga suspek na bitbit pa ang computer machine ni Espinosa, isang 9mm Berreta pistol, Honda Civic (TUZ-332) at isang Tamaraw FX na may plakang PYZ-623.
“Marami na kaming natatanggap na reklamo sa modus operandi ng mga suspek na ang target ay mga computer shop at yung mga estudyante na may hawak na portable na play station,” pahayag ni Brillantes. Arnel Ozaeta/Ed Amoroso