CAMP CRAME — Sabog ang bungo at namatay ang isang barangay chairman matapos itong barilin ng shotgun ng ’di-kilalang lalaki habang nakikipag-inuman ang biktima sa sariling bakuran sa Barangay Bunot, Kiblawan, Davao del Sur kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Jose Layan, habang naglaho sa dilim ang killer na pinaniniwalaang may matinding galit sa nabanggit na kabesa. Nabatid na nakikipag-inuman ng alak sa kaibigang si Rodolfo Incallado nang biglang lumapit at barilin sa ulo ang biktima. Joy Cantos
Bus vs truck: 12 naospital
TUBA, Benguet – Labindalawang sibilyan ang naospital makaraang masugatan sa salpukan ang dump truck at pampasaherong bus sa pakurbadang daang-bayan sa Camp 5, Kennon Road sa Baguio City noong Biyernes ng hapon. Naisugod sa Baguio Medical Center sina Marinao Galista, Joy Lynn Manalo, Bryan Imbat, Sylvia Mahilay, Madelyn Omares, Edwin Pio, Lilin Sapal, Walter Aglasi, Leslie Ann Labitigan at isang alyas Bumaquil. Samantala, ang drayber ng dump truck (TGB 781) na si Bumahil Paleyan at Eulogio Rho-ann ng Amianan Bus Liner (AVR 433) ay dinala naman sa Baguio General Hospital and Medical Center. Sa ulat ng Office Civil Defense-Cordillera at Operation 911, ang dalawang sasakyan ay nagsalpukan sa pakurbadang highway kaya nagdulot ng matinding pinsala at malagay sa panganib ang mga biktima. Artemio Dumlao
Bus hulog sa bangin: 15 grabe
LEGAZPI CITY — Labinlimang sibilyan ang nasa kritikal na kalagayan makaraang mahulog ang sinasakyang pampasaherong bus sa bangin sa Maharlika Highway na sakop ng Barangay Taysan sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur kamakalawa ng madaling-araw. Kaagad namang naisugod sa Sipocot District Hospital sina Percival Valiente, Jocelyn Persia, Rosa Pojante, Ireneo Miro, Salva Gernate, Francisco Freo, Antonio Avila, Maribel Pajuilas, Estrelita Reyes, Pedro Alcasa Jr., Jovelito Portes, Rene Manijan, Andres Jarito, Wilmar Bartillo at si Edgar Saprad. Nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya ang drayber ng Mega Bus Liner (TGY 804) na si Felix Veri ng Barangay Macalindog, Ligao City. Napag-alamang patungo sa Samar mula sa Metro Manila ang nasabing bus nang bumulusok sa bangin matapos mag-overtake sa sinusundang sasakyan. Ed Casulla