P3.5-B shabu lab sa Mindoro ni-raid
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Sinalakay ng pinagsanib na tauhan ng Oriental Mindoro Police Office, 409th Provincial Police Mobile Group at ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isa na namang shabu laboratory na may mga makina at kemikal sa paggawa ng shabu sa Calapan City, Oriental Mindoro noong Sabado ng umaga.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Napoleon Cachuela, Region 4-B (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) police director, sinalakay ng kanyang mga tauhan ang isang bungalow- type na bahay sa gitna ng 6 na ektaryang palaisdaan sa Barangay Navotas bandang alas-5:30 ng umaga kahapon.
Wala namang inabutang nagmimintina sa nasabing shabu laboratory na may mga kemikal na maaring makagawa ng 700 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Tomas Leynes ng Calapan City Regional Trial Court, Branch 40 sa Oriental Mindoro, nakarekober ang mga awtoridad ng 7 dram ng liquid ephedrine, 18 kahon ng hydrochloric acid na ginagamit sa paggawa ng shabu, iba’t ibang uri ng kemikal, dalawang makinang hydrogenator, 8 yunit ng boiler, 20 yunit ng water pumps.
Sa panayam ng PSN kay P/Senior Supt. Agrimero Cruz, hepe ng pulisya sa Oriental Mindoro, ang shabu lab ay may sukat na 150-square meter bungalow- type na bahay na inuupahan ng tatlong Tsino sa halagang P60,000 kada buwan kabilang na ang isang bahay na may 100 metro ang layo sa laboratoryo na P11,000 kada buwan
Tumanggi namang pangalanan ni Col. Cruz, ang tatlong Tsino para hindi makaapekto sa kanilang operasyon.
Kasalukuyang nag sasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad para maaresto ang mga nakatakas na dayuhang Tsino na pinaniniwalaang may kasabwat ng mga Pinoy.
Base sa talaan ng pulisya, noong July 6, sinalakay din ng mga tauhan ng National Bureau of Investigations at PDEA sa Calabarzon ang dalawang shabu lab sa Biñan at San Pedro, Laguna na naglalaman naman ng P5-bilyon kemikal sa paggawa ng shabu at naaresto ang suspek na si Tony Tan Go. Ed Amoroso at Joy Cantos
- Latest
- Trending