Mag-lola inaresto sa illegal logging
LIMAY, Bataan — Dahil sa masidhing hangarin ng probinsya na masugpo ang illegal logging, mahigit dalawampung sakong uling ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Limay Municipal Police Station, Bantay Gubat at Department of Environment and Natural Resources sa isang maglola na lulan ng isang tricycle sa Barangay Lamao sa bayang ito kamakalawa. Kasalukuyang nakakulong sa piitang-bayan ng Limay sina Lourdes Montemayor y Ramos, 59, biyuda; at apo niyang si Angelo Osario, 20, may-asawa kapwa nakatira sa naturang barangay. Jonie Capalaran
LUCENA CITY — Pinaniniwalaang malulutas na ang kaso ng pamamaslang sa isang miyembro ng Quezon Police makaraang maaresto ang isang magkapatid sa kanilang bahay sa Purok Ilang-ilang, Barangay Silangang Mayao ng lungsod na ito kamakalawa ng umaga. Ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa lock-up jail ay kinilala ni P/Supt. Marcos Badilla, chief of police dito, na sina Edwin Dote, 37 at ang nakababata nitong kapatid na si Agripino, 36. Patuloy na itinatanggi ng magkapatid na sila ang responsable sa pananambang kay PO2 Arcadio Jimenez, 41, noong umaga ng Hulyo 18, 2007 sa Purok Kamnay, Barangay Kanlurang Mayao. Ayon kay SPO4 Joe Foster, itinuro ng mga saksi ang magkapatid na siyang bumaril kay Jimenez at makaraan ay tumangay sa baril at motorsiklo nito. Tony Sandoval
- Latest
- Trending