Pinawalang-sala ng Department of Justice si Laoag City Mayor Michael Fariñas sa kasong pagpatay sa kanyang Bise-Alkalde na si Jimmy Chua.
Base sa 7 pahinang resolusyon ni Justice Secretary Raul Gonzalez, dinismis nito ang petition for review na inihain ng National Bureau of Investigation na humihiling na mabaligtad ang naunang rekomendasyon ng piskalya sa kaso. Sa naturang rekomendasyon ay binalewala ng piskalya ang pagkakadawit ni Fariñas sa krimen batay sa salaysay ng testigong si Melvin dela Cuesta.
Sinabi ni Gonzalez, wala siyang nakikitang matibay na basehan upang baligtarin ang naunang findings sa kaso. Iginiit ni Gonzalez na ang pabagu-bagong salaysay ni dela Cuesta ang nagpahina sa akusasyon na si Fariñas nga ang bumaril kay Chua noong Pebrero 1, 2005 sa isang restaurant sa Laoag City. Gemma Amargo- Garcia