4 Manobo patay sa sagupaan

BUTUAN CITY — Apat na miyembro ng Mindanao Ma­nobo Defense Force (MMDF) ang napaulat na nasawi ma­karaang makipag­sagupaan sa mga tauhan ng Citizen Armed Forces Geographical Unit sa kagubatan ng Sitio Binugsukan sa Ba­rangay Valentina, La Paz, Agusan del Sur, ayon sa ulat ng Caraga police regional office sa Camp Rafael Rod­riguez.

Base sa inisyal na ulat na natanggap ni P/Chief Supt. Antonio D. Nanas, police regional director, sumiklab ang bakbakan bandang alas-5 ng hapon kahapon habang patungo sa command post sa nabanggit na barangay ang mga tauhan ng PA-Cafgu Panagangan Patrol Base ng 23rd Infantry Batta­l­lion, na pinangungunahan ni Sgt. Raul P. Garduce.

Ayon sa pulisya, ang grupo ng MMDF ay kinabi­bilangan ng mga kriminal, subalit pinabulaanan naman ito ng kanilang lider at nag­sabing protector sila ng mga naaaping mamamayan sa Caraga region.

Nagpadala na ng karag­dagang tropa ang 402nd Infantry Battalion para tugi­sin ang grupo ng MMDF na nag­sitakas. Nakarekober ang mga awtoridad ng isang Ingram automatic rifle at ilang uri ng bala ng mala­lakas na kalibre ng baril. Ben Serrano /Joy Cantos

Show comments