Holdap: Trader tinodas

CAVITE – Patuloy na nananalasa ang mga holdaper sa iba’t ibang bayan sa Cavite kung saan isa na namang trader ang napaslang matapos na barilin ng dalawang di-kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa loob ng sasakyan ng biktima sa Tagaytay City kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Anthony De Luna, 42, samantala, nakaligtas naman ang misis nitong si Sofia, 37, kapwa naninirahan sa Gabriel Subd., Barangay Tolentino West ng nabanggit na lungsod. Ayon kay P/Supt Ferdinand Quirante, hepe ng pulisya sa Tagaytay City, sakay ng Isuzu Crosswind (XGX329) ang mag-asawa nang dikitan at barilin ang lalaking trader. Nagawang makuha ng mga holdaper ang malaking halaga at dalawang celfone ng mag-asawa bago tumakas. (Cristina Timbang)

Ex police kinatay sa kalsada

NUEVA ECIJA – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang dating pulis matapos na pagtatagain ng nakaalitan sa harap ng sariling anak na babae sa Purok Sampaguita, Barangay Mayapyap, Cabanatuan City, Nueva Ecija kamakalawa. Malalim na sugat sa kaliwang leeg at ulo ang tinamo ng biktimang si ex PO1 Guillermo Saturno, 36, dating nakatalaga sa Nueva Ecija Police Provincial Office. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Raul Esmino, 38, ng #146 Sampaguita St., Barangay Mayapyap. Sa ulat ni P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng Cabanatuan City Police, naitala ang krimen dakong alas-5:45 ng hapon nang harangin at pagtatagain ang biktimang papauwi na kasama ang anak na 6-anyos. (Christian Ryan Sta. Ana)

Barangay kagawad itinumba

LEGAZPI CITY – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay kagawad ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa naganap na karahasan sa loob ng bahay ng biktima sa Barangay San Isidro, Lagonoy, Camarines Sur kamakalawa. Ang biktimang naging alalay ng natalong mayoralty bet na si Mamo Melgareto noong nakalipas na halalan ay nakilalang si Juancho Flores, 45. Napag-alamang nanonood ng telebisyon ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang pasukin ng mga armadong kala­lakihan at isagawa ang pamamaslang. May teorya ang pulisya na may bahid pulitika ang motibo ng krimen. (Ed Casulla)

Show comments