ANTIPOLO CITY – Pinaniniwalaang matinding depresyon ang bumalot sa pagkatao ng isang mister na iniwan ng sariling misis kaya napatay nito ang dalawang anak bago nagpakamatay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Dela Paz, Antipolo City, Rizal kamakalawa.
Tig-dalawang bala ng baril (9mm) sa katawan ang tumapos sa buhay ng mag-utol na Jaena, 22; at Jemar Macapagal, 20. Samantalang isang bala naman sa lalamunan na tumagos sa ulo ang tumapos kay Juanito Macapagal, 53, negosyante at pawang naninirahan sa #225 Purok Sumulong ng nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyong isinumite kay P/Supt. Danilo Macerin, hepe ng himpilan ng pulisya sa Antipolo City, lumilitaw na umuwing senglot si Juanito at dinatnan ang dalawa nitong anak na dalaga’t binata na kausap ang nobya ng huli.
Napag-alamang tinanong ng ama ang mag-utol kung saan nagpunta ang kanilang ina na nakilalang si Arabella na lumayas may ilang araw na ang nakalipas.
Tumanggi namang sagutin ng mag-utol ang tanong ng ama kaya nag-alburoto sa galit at agad na pumasok ng kanilang kuwarto at paglabas ay bitbit na ang baril at walang pakundangang pinagbabaril ang dalawa.
Matapos isagawa ang krimen ay tinutukan pa ng suspek ang nobya ng kanyang anak, subalit imbes na iputok ito sa babae ay itinutok sa kanyang lalamunan saka nagbaril sa harap ng nangangatal na babae.
Naisugod pa sa Antipolo Doctors Hospital ang mag-utol subalit idineklarang patay na.
Sa impormasyong nakalap ng pulisya mula sa ilang kapitbahay ng pamilya Macapagal, naging malulungkutin si Juanito matapos lumayas ang asawa nito na halos araw-araw ay ginugulpi at posibleng sinapian ng matinding depresyon kaya napatay ang dalawang anak bago nagbaril sa sarili ang lalaki.