Sinaunang mapa ng bansa nadiskubre
MOGPOG, Marinduque — Natagpuan ng mga kawani ng National Mapping Institute ang mohon (landmark) na tumutukoy sa sentrong mapa ng Pilipinas.
Ang mohon ay nakalubog sa isang bahagi ng bundok na sakop ng Mogpog, na ayon sa mga historian ay inilagay ito ng mga sundalong Amerikano noong 1901 upang alamin ang sentrong kinalalagyan ng bansa.
Opisyal na ipinaalam ng mga kawani ng National Mapping Institute kay Governor Jose Antonio Carreon, ang pagkakatuklas sa mohon na ayon naman sa gobernador ay magiging karagdagan ito sa aspeto ng turismo ng Marinduque.
Sinabi ng gobernador na bukod sa Moriones Festival na dinarayo tuwing Semana Santa, inaasahan niyang aangat nang husto ang turismo sa kanilang probinsya dahil sa pagkakatuklas sa center map of the Philippines.
Dahil dito, ay inatasan ng gobernador ang Provincial Tourism Office na pangalagaan ang mga water shed na sumasakop sa bundok na kinalalagyan ng mohon upang hindi ito masira sakaling maging sentro ng atensyon sa mga lokal at dayuhang turista ang nasabing lugar.
Plano rin ng pamahalaang panlalawigan na magpagawa ng daang-bayan at terrain patungo sa nasabing lugar upang hindi mahirapan ang mga turista. (Tony Sandoval)
- Latest
- Trending