Pulis-Laguna todas sa ambush
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tinambangan at napatay ang isang pulis-Laguna ng mga ’di-kilalang kalalakihan habang papauwi na ang biktima sa Biñan, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr., Laguna police director, ang biktimang si PO1 Johnny Tejada Jr., 36, ng Barangay Timbao, Biñan, Laguna at nakatalaga sa 405th Provincial Police Mobile Group.
Base sa ulat, bandang ala-una ng madaling-araw habang papauwi na si PO1 Tejada angkas ng motorsiklo (DB 7094) na minamaneho ni Manny Austria nang harangin at pagbabarilin ng limang armadong kalalakihan sa Barangay Langkiwa ng nabanggit na bayan.
Bagamat sugatan, nagawa pang makapagpaputok ni PO1 Tejada hanggang sa bumagsak ang isa sa mga suspek na nakilala lamang sa apelyidong De Maranan.
Sinikap na maisalba ang buhay ni Tejada pero namatay din ito habang ginagamot sa ospital, samantalang nasa kritikal na kalagayan naman si De Maranan sa isang ospital sa bayan ng Cabuyao, Laguna.
Sa panayam ng PSN kay Col. Rojas, posibleng may tama rin ng bala ng baril ang apat pang suspek na kasalukuyang pinaghahanap na sa mga karatig lalawigan.
“May matagal na alitan ang pamilya ng mga Tejada at De Maranan na maaaring nagbunsod sa naganap na pamamaslang,” dagdag pa ni Col. Rojas.
Pinaghahanap na rin ng pulisya ang kasama ni PO1 Tejada na si Manny Austria na nawala matapos ang pananambang para maging susi sa ikalulutas ng kaso. (Arnell Ozaeta/ Danilo Garcia)
- Latest
- Trending