CAMP VICENTE LIM, Laguna — Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang dating close-in security aide ni Senator Bong Revilla makaraang ratratin ng ’di-kilalang lalaki sa panulukan ng Barangay Patindig Araw at Barangay Bayang Luma sa Imus, Cavite noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz, Imus police chief, ang biktima na si Mariano de Leon Jr., 45, alyas Spider at residente ng Park Place Village, Barangay Anabu 1 ng nasabing bayan.
Si De Leon na may-ari ng St. Marta Security Agency sa Epza, Rosario, Cavite ay naging close-in bodyguard ni Senator Bong Revilla noong siya’y gubernador pa ng Cavite at naging malapit na political supporter ng mga Revilla sa katatapos na May 14 elections.
Base sa ulat, katatapos lang ni De Leon mag-exercise sa Rex Gym sa Villa Celina Subdivision sa nasabing barangay at nakatakda na sanang umuwi nang biglang sumulpot mula sa likuran nito ang isang ’di-kilalang lalaki at isinagawa ang krimen.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si de Leon na kasalukuyang nagpapagamot sa isang ospital sa Maynila.
Inaalam kung may kaugnayan sa negosyo ng biktima ang naganap na pamamaril. (Arnell Ozaeta/Cristina Timbang )