CAVITE — Matagumpay na naikonekta ng Maynilad Water ang may 600-mm bridge pipe crossing sa pagitan ng Kawit at Bacoor sa lalawigan ng Cavite. Kabilang ang 18 barangay sa Kawit at isang barangay sa bayan ng Imus ang nabiyayaan ng nasabing proyekto. Ang Kawit, Imus at ilang karatig bayan sa Cavite ay dating umaasa lamang sa Noveleta reservoir, na umiipon ng ground water mula sa mga deepwell tulad ng Malamok at Balsahan deepwell, bilang pangunahing pinagkukunan ng tubig. Ang 600-mm na Binakayan service pipe na pinag-uugnay sa pampang ng Ilog Binakayan at suportado ng apat na poste ng reinforced concrete. Ang tubo ay may bigat na 15 tonelada na may habang 77 metro at kahilera ng Binakayan Bridge sa Tirona Highway sa Cavite. Magsisilbi rin ang bridge pipe bilang pangunahing supply vein para sa susunod na proyekto ng Maynilad upang lalong mapalawak ang serbisyo sa Cavite kung saan may nakalaang P1.5 bilyong pondo mula sa siyam na taong Capital Investment Plan (CIP) mula sa P33 bilyon.