CAMP VICENTE LIM, Laguna — Pinaniniwalaang may matinding pangangailangan ang isang bank officer na napaulat na inaresto ng pulisya matapos mahuli ng kanyang bank manager na nang-umit ng dalawang deposit slip na may malaking halaga noong Sabado ng hapon sa Los Baños, Laguna.
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr. Laguna police director, ang suspect na si Julie Volante, 42, ng North Springville, Bacoor, Cavite at tumatayong reserve officer ng Planters Development Bank, Crossing branch.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas- 4 ng hapon, nagsasagawa na ng final accounting ng cash deposit ang bank manager na si Imelda Javing nang madiskubre nitong nagkulang ng dalawang deposit slip ang collection ng pera na may kabuuang halaga na P90,490.00
Dahil sa nadiskubreng discrepancy sa pananalapi, mabilis na ipinag-utos ni Javing sa kanyang security officer na magsagawa ng body search at halughugin lahat ang gamit ng mga kawani hanggang sa matagpuan sa bag ni Volante ang nawawalang deposit slip.
Mariin namang itinanggi ni Volante, ang mga paratang pero sasampahan pa rin siya ng kasong qualified theft.
Napag-alamang si Volante ay nakulong ng dalawang gabi sa Los Baños police station bago ito nakapagpiyansa ng P12,000 noong Lunes para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Arnell Ozaeta