NUEVA ECIJA – Aabot sa labindalawa-katao ang nasugatan kabilang ang dalawang nasa kritikal na kalagayan makaraang sumabog ang granadang inihagis sa masayang birthday party sa Sitio Pemacco sa Barangay TL Padilla, Carranglan, Nueva Ecija noong Martes ng gabi.
Kabilang sa mga biktimang sugatan ay sina Ferdinand Sucaban, 38; Mercy Sucaban, 40; Franklin Sucaban, 4; Oscar Zamora, chairman ng Barangay TL Padilla; Cpl. James Patauig, miyembro ng 48th Infantry Battalion ng Phil. Army; Milagros Sucaban, 53; Celso Aquino, 29; Jaypee del Rosario, 18; Erlinda del Rosario, 22; at si Ronnel del Rosario, 24.
Samantala, sina Rogelio del Rosario, 29; at Marcillano Baltazar, 46 ay nasa kritikal na kalagayan na ngayon ay nasa Paulino Garcia Memorial Hospital at Premiere General Hospital sa Cabanatuan City.
Sa ulat na isinumite kay P/Senior Supt. Agripino Javier, Nueva Ecija police director, tinukoy naman ang suspek na naghagis ng Granada na si Pablito Domingo Sr., 42, deputy chief ng Bantay-Bayan.
Sa imbestigasyon, kasalukuyang nagkakasiyahan ang mga bisita sa kaarawan ng batang si Franklin Sucaban nang magpalitan ng maaanghang na salita sina Domingo at Reynoso Lorenzo sa hindi pa malamang dahilan.
Agad namang napayapa ni Kapitan Zamora, ang iringan ng dalawa at kaagad naman umuwi si Domingo at nang bumalik ay inihagis ang dala nitong granada sa bahay ng may kaarawan at agad na tumakas. Christian Ryan Sta. Ana