LUCENA CITY, Quezon — Dalawang trak na may lulang troso na pinaniniwalaang walang kaukulang papeles ang nasabat ng mga operatiba ng Quezon PNP Intelligence Unit at Environment and Natural Resources Office sa magkahiwalay na checkpoint sa Mauban at Tayabas, Quezon, kamakalawa. Sa ulat ng pulisya na isinumite kay P/Senior Supt. Hernando Zafra Quezon police director, nasabat ng mga awtoridad ang trak (CTK 963) ni Robert Eranista sa Barangay Cagsiay, Mauban, Quezon. Ang mga iligal na troso ay sinasabing pag-ari ni Lorna Jardinazo. Nasabat naman sa bahagi ng Barangay Palate, Tayabas, Quezon ang isa pang trak ni Nelson Lucanas, kasama ang tripulanteng si Cristino Talisayon. Napag-alamang sinasamantala ng mga illegal logger ang nakalipas na eleksyon para magpuslit ng mga troso mula sa kabundukan ng Sierra Madre bago dalhin sa Metro Manila at Bulacan. Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkano ang halaga ng mga troso habang pormal naman kinasuhan ang dalawang drayber at may-ari ng mga kargamento. (Tony Sandoval)
4 mag-iina hinostage
LEGAZPI CITY — Pinaniniwalaang nawala sa katinuan ng pag-iisip ang isang 27-anyos na mister kaya nagawa nitong I-hostage ang sariling misis at tatlong anak sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Canaway, Barangay Marinab sa bayan ng Bulan, Sorsogon kamakalawa. Ilang oras din ang ginawang negosasyon ng mga opisyal ng barangay bago mapasuko ang suspek na si Hospicio Tolete. Kaagad naman dinala sa Bulan District Hospital ang misis nitong si Virgie matapos na hatawin ng tubo sa ulo habang nakaligtas naman ang mga anak na sina Marjun Tolete, 6; Almera Tolete, 4; at ang bunso na si Kyla Tolete, 2. Napag-alamang may matinding selos ang suspek sa kanyang misis sa hindi nabatid na dahilan at posibleng kinimkim ang matinding selos hanggang sa mawala sa katinuan kaya naganap ang hostage-drama. (Ed Casulla)