5 nalibing sa landslide
CAMP CRAME — Lima-katao kabilang ang isang misis na buntis ang kumpirmadong namatay makaraang matabunan ng gumuhong lupa ang mga kabahayan ng mga biktima sa mining community ng Mt. Diwalwal sa bayan ng Monkayo, Campostela Valley kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Ralph Suldia, 19; Rose Mamaril, 16, buntis na misis; Roderick Cabalunan, Marlito Bordios at si Tata Rosales, na pawang mga residente ng Purok 2 sa Mt. Diwata district, Diwalwal Village ng nasabing bayan.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi kung saan gumuho ang lupa dahil sa kakatapos na ulan na tumagal ng may kalahating oras.
Hindi nakalabas ng bahay ang mga biktima dahil sa bilis ng pangyayari, sinuwerte namang nailigtas ang mag-utol na Jimmy at Gilbert Barera at si Ronald Balsabar na ngayon ay nasa pagamutan.
Ang bahay na tinitirhan ng mga biktimang nasawi maliban kay Mamaril ay pinaniniwalaang pag-aari ni Indanar Jimlani.
Ayon kay Linda Morante, hepe ng Region 11 Office of Civil Defense, naganap ang landslide bunga ng patuloy na ulan noong Lunes ng gabi sanhi ng kasalukuyang inter-tropical convergence zone (ITCZ) kaya posibleng lumambot ang lupa sa kabundukang walang anumang punongkahoy.
Dahil dito, pinayuhan ng kinauukulan ang iba pang residente na malapit sa tabing bundok na pansamantala munang lumikas upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
- Latest
- Trending